Ford's Smart Car

Tuesday, June 21, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 5



Bakit si Pepe?

Kung hindi si Pepe, SINO?

Tanong rin ito sa sa aking isipan ngayong ako ay nasa hustong gulang na. SINO KAYA ANG MAAARING KAHALILI NI RIZAL KUNG HINDI SIYA ISINILANG AT NAGING BANTOG SA PAGSUSULONG NG ATING KALAYAAN?

Walang batas na ipinanukala ng mga Pilipino ang nagdedeklara na si Dr. Jose P. Rizal ang ating pambansang bayani. Ako man ay nagulat sa isang katotohanang ito. Ngunit itinuro ito sa atin at kinilala noong tayo ay mga bata pa.

Saturday, June 18, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 4


Rizal 150 to 150
150th Birth Anniversary of Dr. Jose Rizal
Isang panahon sa ating kasaysayan, may isang Filipino ang nabuhay noong nakaraang 150 taon. Ang naging susi upang baguhin ang ating pagkatao, hindi nakatali sa mga prayle at Kastila. Gamit mo ang edukasyon at tapang na makamit ang bawat mabuting hangarin. Maraming maraming salamat.

Monday, June 13, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 3


Rizal: Haligi ng Bayan
Isang mabuting anak, mag-aaral at kaibigan.


Maraming mabuting halimbawa ang iniwan sa atin ni Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda.  Isang modelo ng isang mabuting mamamayan sa isang sosyedad na puno ng masasama at maruruming gawain. Tulad ng isang sariwang kamatis sa isang kaing na puno ng bulok na kauri nito.


Isang anak na mapagmahal sa mga magulang. Itinuring niya na mabuting ina, si Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos. Isa sa pinakamahalagang babae sa buhay ng ating pambansang bayani. Nagpakadalubhasa siya sa mata upang masuri ang karamdaman at gamutin ang kaniyang ina. Hindi ito isang sakripisyo ngunit pag-ibig sa magulang.


Mahusay na mag-aaral. Kung sa pagiging modelong estudyante ng ating panahon, maituturing siya na mabuting halimbawa bilang mag-aaral. Dalubhasa sa iba't-ibang banyagang wika, siyensiya, optalmohika, kasaysayan, panitikan, relihiyon at iba pa. Masasabing ang kasaysayan ang humubog sa kaniya upang iligtas at isalba sa bulok na sistema ang ating lipunan sa kaniyang kapanahunan.


Hindi siya nabigo.


Lumikha siya ng mga nobelang gumising sa ating mga kamalayan. Lumabas siya sa tinatawag na pagkatakot at sinuong ang kaniyang tungkulin kasama ang mga matalik na kaibigan maging kababayan man o banyaga.


Gamit ang titik, gumagawa siya ng liham upang makipagtalastasan sa kaniyang kaibigan na si Ferdinand Blumentritt. Dahil sa pakikipagkaibigang ito, maraming pagkakataon na tinulungan nila ang isa't isa. Kahit sa kamatayan ni Dr. Rizal ay gumawa muli siya ng liham upang magpaalam ng tuluyan.


Kung tutuusin, napakaraming mabubuting halimbawa ang ipinamana niya sa atin. May nabuo na isang kasabihan sa aking isipan, "Ang kasaysayan ang ating pag-asa, guro at mabuting kaibigan."
Maraming Salamat.
Ang mga larawan ay mula sa 150th Birth Anniversary of Dr. Jose Rizal at Rizal 150 to 150.

Tuesday, June 7, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 2


Rizal: Haligi ng Bayan
Inang Bayan, ang naging pangunahing sanhi ng kanyang kamatayan. Ang kaniyang kinapamayanang dako ng halos tatlong dekada. Ang kaniyang tinitingala na nangangailangan ng pag-iingat bukod pa sa kaniyang mga magulang. At higit sa lahat, ang bayan na ating minana mula sa ating magigiting na ninuno.


Ang kahalagahan ng salitang ito ang isa sa ating nakalimutan. Sa ngayon, kaunti na lamang ang nakauunawa sa naging papel nito sa ating buhay. Ito pa naman ang isa sa ipinagtanggol ng ating mga magigiting na pinuno at mga tao na tumatatak sa ating kasaysayan tulad ng ating mga bayani.


Sa gitna ng bawat hamon sa ating kasaysayan, nagiging sangkalan ay ang ating Inang Bayan. Ang ating piping saksi sa bawat hakbang at ambisyon na ating gustong marating. Siya rin ang isa sa ating nagiging inspirasyon at nakaiimpluwensiya sa ating pagkatao. Ang ating itinataguyod at ipinagmamalaki sa mga karatig bansa at mga dayuhan.


Ngunit bakit tila nakalimutan na natin ang mga bagay na ito? Dahil ba sa kaliwa't kanang problema na ating nararanasan ay ibinabaling natin ang pagpapahalaga sa mga bagay na walang kabuluhan. Mga pansariling pagnanasa na dahil sa kasakiman at pagkamakasarili ay nakapagdagdag pa ng kanser sa ating lipunan. Kanser na mula pa noong una ay pilit na iginupo ng ating pambansang bayani na kasama pa ang dambuhalang kalaban, ang maling relihiyon at pananampalataya.


Malaki ang naging ukit sa ating mga puso ng mga relihiyong nakagisnan at minana pa sa ating mga magulang. Ang Inang Bayan ang nagbuhat nito para sa atin. Naging magiliw tayo sa kanila at niyakap natin ito, buong puso at pag-iisip. Iginuhit rin natin ito sa bawat haligi ng ating bayan. Kahit sa kabila ng pagtutol at paglaban ni Gat Jose Rizal, ang iba rin ay naging mga pipi't bingi noong unang panahon. At dahil na rin sa kasaysayan, naisulat sa tinta at papel ang buong katotohanan.


Ang katotohanang magpapalaya sa atin sa mga tatanggap at babalikwas sa mga kamaliang ito. Bakit? May mga tao na kahit malaman ang katotohanan ay pipiliin at mamatamisin pa na magbulag-bulagan at tanggapin ang mga ito.


Sa kabila ng mga bagay na ito, malaki ang pasasalamat natin sa isa sa Haligi at nagtaguyod ng ating Inang bayan. Isa sa nagmulat sa atin ng katotohanan mula sa Bibliya at nagsulong ng tinatamasa at tinatawag ng marami na "kalayaan."


Ang larawan ay mula sa pahina ng Rizal 150 to 150. Para sa iba pang larawan, bumisita lamang doon.

Wednesday, June 1, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 1





Rizal: Haligi ng Bayan


Sino si Rizal sa ating panahon? Panahon na laganap ang moderno at kakaibang kagamitan na ating nakahihiligan, mabilis na pag-ikot ng bawat sandali sa pamamagitan ng ating kamay at isip. Sa kabila ng mga kabataang walang ginawa kundi ang uminom ng kape habang nag-iinternet, nasa galaan maging bata man o matanda, mga taong abala sa paghitit ng sigarilyo, manonod ng bagong pelikula, magFacebook, mga kababaihang pilit ipinapa-alab ang kagandahan sa pamamagitan ng siyensiya at droga, kaliwa't kanang kainan, laganap na prostitusyon, malawakang korupsiyon, pagpatay sa mga mamamahayag, hindi mapigilang pagtaas ng presyo, maliit na sahod ng mga obrero, kawalan ng tama at nararapat na hanapbuhay, kahirapan, hindi mapigilang pagtaas ng matrikula, dayaan sa halalan at iba pa sa mga hindi ko nabanggit. Ito ang aking tema sa pagsulat ng lathalaing ito. Kilala pa ba ng mga Pilipino si Dr. Jose Rizal sa kabila ng mga ito?


Sa mga bayani, siya ang aking idolo sa mga mabubuting gawa. Binasa niya ang buong Biblia at pinatunayang walang salitang "Purgatoryo" sa anumang pahina nito. Nililinlang lamang tayo ng mga pari upang tayo ay "kikilan" ng pera at takutin. Ngunit sa kabila ng lahat, mapaniwalain pa rin tayo sa kathang-isip. Ito ang ibinunga ng maling pananampalataya na idelohiya ng mga Kastila at hanggang ngayon, bitbit natin ang kamangmangang ito.


Maraming bagay, paniniwala at prinsipyo na ang ipinaglaban ng ating mga ninuno. Halos masasabi ko na lahat ay napagtagumpayan nila. Ngunit dahil sa kahinaan at kasakiman ng mga sumunod na henerasyon, minana natin ang mga kanser ng lipunan.


Kung ako ay hihiling sa kanyang kaarawan? Idinadalangin ko na tayo ay huwag na sanang maging parte o sanhi ng problema. Maging kabahagi tayo sa pagbuo ng ating mabuting pangarap.


Ang larawan ay mula sa pahina ng Araneta Center.