Ford's Smart Car

Tuesday, June 21, 2011

RIZAL: HALIGI NG BAYAN - 5



Bakit si Pepe?

Kung hindi si Pepe, SINO?

Tanong rin ito sa sa aking isipan ngayong ako ay nasa hustong gulang na. SINO KAYA ANG MAAARING KAHALILI NI RIZAL KUNG HINDI SIYA ISINILANG AT NAGING BANTOG SA PAGSUSULONG NG ATING KALAYAAN?

Walang batas na ipinanukala ng mga Pilipino ang nagdedeklara na si Dr. Jose P. Rizal ang ating pambansang bayani. Ako man ay nagulat sa isang katotohanang ito. Ngunit itinuro ito sa atin at kinilala noong tayo ay mga bata pa.



Ngunit anu-ano ba ang katangian upang maging isang pambansang bayani?
-Naghahangad ng kalayaan at may masidhing damdamin para sa kabutihan ng bayan.
-Naging bahagi ng bawat Pilipino na nakaiimpluwensiyang tuklasin at maging mabuting modelo ang kakayahan at naging buhay.
-Iniisip ang kinabukasan at ang mga susunod na henerasyon.
-Naghangad ng kalayaan ng bansa o ng mabuting sistema para sa bansa.
-Ang pagpili sa isang bayani ay hindi sa isang pangyayari o mga pangyayari kundi ang buong proseso ng pagiging bayani.
(ito ay ang aking personal na iterpretasyon sa mga katangian upang maging pambansang bayani mula sa "National for the Culture and the Arts"
)

Sa mga batayang ito, lahat ay nasakop ni Pepe. Isa na rin ang pagiging dokumentado ng kaniyang buhay. Nakakatawang isipin, ngunit mahilig rin siyang magpakuha ng larawan. Karaniwang kasama ang mga kaibigan, pamilya, teatro o mga likhang sining gamit ang pagpinta.
Patawarin ako ng mga bayaning sina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar at ang aking kandidato upang maging pambansang bayani, si Juan Luna. Si Pepe pa rin ang pipiliin ko.


Ang ating sikat na pintor

Si Juan Luna ay kapatid ng isang general, si Antonio Luna. Isa siya sa mga kaibigan ng ating pambansang bayani, isang mandaragat, bihasa sa skrima at pintor. Gamit ang sining, inilarawan niya ang bawat laman ng kaniyang puso upang ipahayag ang kaniyang pagmamahal sa ating bansa.


Ngunit hindi siya ang boto ko para sa pinaka sa pinakapambansang bayani.

Mas nakahihigit pa rin ang bawat Filipino. Mga kababayan nating pilit na hinahanap ang mga paraan upang makatulong, makapagbigay ng kontribusyon at ipagmalaki ang ating lahi. Ito ay sa napakaraming mabubuting paraan tulad ng pampalakasan, talino, sining, musika, at iba pa. Kulang man sa suporta ng pamahalaan ay nagpupumilit pa rin sila sa mga mithiing ito. Hindi man natin sila kilala personal ngunit sa kanila mababanaag ang nag-aalab na wangis ng ating mga pambansang bayani, literal man na malaya o nakatali sa mga taga ibang lupa.

At sila ang ating mga Bagong Bayani.

Ang larawan ay mula sa:

Karagdagang impormasyon:

Ang artikulong ito ay ang aking opisyal na piyesa para sa Thermos Philippines.

No comments:

Post a Comment