Biyernes, ika-1 ng Abril, taong 2011, naglakbay kami patungo sa Calapan, Oriental Mindoro upang saksihan ang pag-iisang dibdib ni Bb. Kristine Macariola at G. Lennon Roy Abadilla Guibao
"Tamarraw Falls" |
...bago dumaong sa Pier ng Calapan |
Kinabukasan ay tumulong kami sa kanila sa nasabing okasyon at lumarga na papuntang Puerto Galera. Lulan uli kami ng tricycle ni Mang Roberto Marasigan, kamag-anak ng ikinasal.
ang inupahang bahay (likod ni...) |
Lumulan muli kami upang pumunta sa tinatawag nila na "White Beach" o ang Puerto Galera.
Walang bayad!!!
Ito ang unang pagkakataon na nakarating kami dito at libre pala dito. Kahit saan basta may buhangin ay pwede mong latagan ng sapin at maging lugar mo sa buong araw, huwag lamang sa lugar na may nakapwesto na.
Lumusong kami agad sa dagat na nakapaa sa puting buhangin. Pino at napakasarap sa paa. Napuna rin namin na hindi gaanong maalat ang tubig dito hindi tulad sa ibang baybaying dagat na aming napuntahan.
Isang masarap na karanasan kasama ang nakagisnang mga kaibigan, hindi ko man sila naging kamag-aral noong kolehiyo. At mas lalo pa na kasama ko ang aking "kasama sa pakikipagsapalaran".
Umuwi kami ganap na ika-10 ng gabi habang dumaraan sa kalsada na napakadalang ng ilaw. Nakarating kami sa inuupahang bahay ganap na ika-11 ng gabi, inayos ang mga gamit, nagpatuyo ng mga damit at nagbanlaw.
Kinaumagahan ay inabangan ng tatlong dalaga ang pagsilip ng araw. Ako ang naiwan upang magbantay sa bahay habang ang iba ay bumili ng kape at tinapay sa naglalako kasama na ang paglalakad sa tabing-dagat.
Nag-almusal kami at humigop ng mainit na kape at muling naglakbay patungo sa susunod na lokasyon.
Dagat sa Barangay Maria |
Hinto...
Dahil sa ginagawang pagpapalawak ng daan, may ginanap na pagpapasabog sa gilid ng bundok. Hinahakot ng malalaking trak ang mga bato at lupa mula sa tinapyas na bundok kaya kami ay naghintay upang gawing ligtas ang aming daraanan.
Talon ng Tamarraw |
Sa barangay malapit sa lugar kung saan may pagmamay-ari ang mga magulang ng ikinasal ay sumakay kami ng bangka. Ito ay isang bangka na pinapaandar ng isang motor patungong Barangay Wawa. Tumawid kami sa kabilang dako, sa lugar na nagtatagpo ang tubig alat at tubig tabang.
Sa pagkakataong ito, hindi na ako muling lumusong sa dagat. Kumain na lamang ako ng pancit, inihaw na tahong at isda na may hinog na mangga para panghimagas. Sa bahaging ito ng Mindoro, mababaw lamang ang dagat. Hanggang baywang lamang ito kahit lumagpas ka ng halos 100 metro. May mga baklad ring makikita rito at mga lambat na ginagamit nila sa kanilang hanapbuhay.
Dito ay nagmunimuni ako sa maraming bagay habang nakahiga sa apat na tuyong kawayan na magkakatabi. Napakasimple ng buhay sa probinsya. Payak, sariwang hangin, magandang tanawin, tahimik, malayo sa polusyon, bayanihan at iba pa na ugaling Pilipino ay aking muling naranasan. Nandyan pa ang pangungusap ng bawat punongkahoy, kawayan, mga hayop at insekto na nagpapahiwatig at nagsasaysay ng kapangyarihan, kagandahang-loob, kabutihan, biyaya at pag-ibig ng Dios. Talagang napakasarap!
Matapos ang pagtatampisaw ng aking mga kasama ay nagbanlaw na kami sa tubig na mula sa bukal.
Laging tandaan, huwag magkakalat sa kahit anumang lugar. Ligpitin, ipunin at isinop ang bawat kalat. Huwag tayong mag-iwan ng bakas.
Natapos ang kasiyahan sa kwentuhan habang naghahanda upang bumalik sa Pier ng Calapan. Naglakad muli kami at sumakay ng bangka pabalik sa bahay na aming tinuluyan, bahay ng mga magulang ng ikinasal. Inayos namin ang aming gamit upang maihanda ang sarili sa susunod pang byahe.
Lulan ng tricycle ay pumunta na kami sa pier, bumili ng mga pasalubong para sa mga kapamilya at sumakay ng barko patungong Pier ng Batangas.
Mga nagastos:
PhP175 AliMall - Pier ng Batangas
PhP242 Pier ng Batangas - Pier ng Calapan
PhP3 bangkang de-motor patawid ng kabilang bayan
PhP5 "banana cue"
PhP1500 Bahay, tricycle at "tourist guide" (para sa apat na tao)
PhP100 mula sa bahay - Pier ng Calapan
PhP220 Pier ng Calapan - Pier ng Batangas
PhP160 Pier ng Batangas - Cubao
paa namin... |
No comments:
Post a Comment